ilang episode na ng "May Bukas Pa" ang napapanood ko na mayroon namatay or nasa hospital at nanganib ang buhay. at sa tuwing nanonood ako, umiiyak ako. sobrang touched lang ba ako? inde. Nakakarelate ako....
Dati, nalulungkot lang ako kapag ganon ang eksena, pero iba ngaun, nararamdaman ko na kung anong hirap ang pinagdaraanan ng bawat tao na nawalan ng mahal sa buhay. tulad din ng pagkawala ng isang taong mahal na mahal ko...ang aking kapatid. Nararamdaman ko na kung pano ang mangulila. Kung paanong napakasakit sa puso tuwing maiisip ang kanilang ala-ala. at Kung gaanong lungkot at pagka-miss kapag me okasyon ngunit wala na sila para makasalo mo.
Mahigit isang buwan na un nakalipas magmula ng kunin ng Panginoon ang aking nakakabatang kapatid na si Lot. Isang masayahin, mabait, masipag, minsan ay masungit ngunit mapagbigay, matalino, at higit sa lahat mapagmahal.
Ang kapatid ko...madami pa sana syang mararating. madami pa sana syang mararanasan. madami pa sanang pangarap na maabot. madami pa sanang tuwa, lumbay, saya o lungkot na madarama. Madami pa sanang kwento kaming pag-uusapan. madami pa sanang chismis kaming pagbubulungan. Madami pa sanang laban kaming pagtutulungan. Madami pa sanang ligaya na pagsasaluhan.... madami pa sana....madami pa sana...
pero ngaun, wala na sya. wala na ang kapatid ko. Dumating ang Diyos, sa panahon na hinihintay ng kapatid ko, pero kinatatakutan naman namin... Nagsiawit ang mga anghel, habang humihiyaw sa sakit ang aming mga puso... Bumukas ang pinto ng langit samantalang nagsikip ang dibdib namin sa sobrang pait at sinundan nya ang liwanag at iniwan kami sa dilim ng kalungkutan....
Namatay na nga sya. wala na ang kapatid namin. Sobrang sakit...sobrang pangungulila...mdaming katanungan, madaming agam-agam...
paano, tao lang kasi kami, vulnerable sa mga sakit, tao lang na pwedeng magtampo...pwedeng magtanong kung bakit... ngunit hinde pwedeng manisi...hinde pwedeng magalit...at lalong hinde pwedeng magdamdam sa Kanya.
hinde naman ako nagdaramdam...oo sige aaminin ko nagdamdam pala ako... paano ba ang hinde? Ipinaglaban ko ang kapatid ko simula sa simula na nagkasakit sya. Lumaban kami ng sabay ng kapatid ko. positibong positibo ang pananaw namin na gagaling sya. na pagsubok lang ang lahat. if God put my sister into it, He will get my sister through it. Malalampasan namin ang lahat. Makakaya namin basta tulong-tulong at sama-sama ang buong pamilya. 28 years old, napakabata pa ng kapatid ko...mahaba pa ang magiging buhay nya..un ang iniisip namin.... pero wala daw sa tagal or sa ikli ng taon ang pamantayan ng Diyos...kung anuman ang kanyang pamantayan sa pagbawi ng kanyang ipinahiram, Sya lang ang nakakaalam.
Sa ngaun, nangungulila pa din ako. katulad kagabi, umiyak na naman ako... lagi na lang yata akong maiiyak sa tuwing me makikita ako or maiisip na nakakapag-paalala sa akin sa kapatid ko. There will always be a part in me that is missing... she took it with her... ok lang, payag naman ako na lumuha ng lumuha kung sa bawat luha na un ay mararamdaman ko na kapiling ko sya, kung kapalit ng lungkot ko ay ang ligaya nya... wala sigurong katapusan ang pagluha ko, ang pagmamahal ko sa kapatid ko, dahil walang papalit sa kanya sa puso ko... ang kaibigan ko, ang inuutangan ko ng baon ko sa eskwela kahit mas matanda ako sa kanya, ang sumbungan ko at nagpapalakas ng loob ko para lumaban para sa tama, ang mataray na inde pumapayag paapi, ang kapartner ko sa kalokohan, ang kainisan ko sa mga biru-biruan... ang kalaro ko nuong bata pa ako, ang kaagaw ko sa manika, ang kakampi ko pag may kaaway, ang katunggali ko sa padamihan ng medalyang maiiuwi sa bahay, ang kasama ko sa madami kong alala ng pagkabata.
Salamat din at ako ang kasalo mo sa mga huling sandali mo dito sa mundo... mula sa araw-araw mong pagtetext, na ang laging laman ay "ate len tawagan mo ako", na agad ko namang ginagawa, sa bawat weekends na pumupunta ka sa bahay namin para makikain, makitulog at makipagkwentuhan, ang sumbong ng sumbong sa ate len sa mga sakit na nararamdaman nya, ang nagpapaalalay sa tuwing inde na nya kayang lumakad, ang dumadaing na may masakit pero nakangiti, ang nagsabing pagod na pero masaya, ang nagpasubo ng kanin tulad ng isang bata, humiga sa aking tabi, humawak at inde bumitaw sa aking kamay, humilig sa aking balikat at nagdasal kabasay ko, nagpasalamat sa Diyos sa maiksing buhay na pinagkaloob maski namamaos ang boses at pilit tinatanggap ang sitwasyon, ang hinde nagdamdam maski kapiraso sa Diyos, ang ngumiti at maayos na nagpaalam sa lahat ng nakamasid sa kanya, ang yumakap sa akin at ang nagsabing gusto ng magpahinga, at ang nagparamdam sa akin kung gaano kainit ang huling hininga...
kapatid ko...Lot, mahal na mahal ka ng ate, alam mo yan... kung gaano at kung hanggan kelan, inde ko masusukat... magmula nun dumating ka sa buhay ko minahal na kita, sampu ng mga kapatid natin... alam kong nasa langit ka na, masaya sa piling Nya...ang tanging hiling ko lang, kung bata pa o matanda na ako , salubungin mo ako pag muli tayong nagkita...
hindi kita kakalimutan!
Monday, June 15, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment